Dear Ate Menggay

Dear Ate Menggay,

Ako po ay isang mag-aaral na nanggaling pa sa bulubundukin ng Tralala. Iskolar po ako ng tribu namin na nagsanla pa ng kani-kanilang mga kaluluwa sa mga lamang-lupa upang mapag-aral ako dito sa Maynila. Asang-asa po sila na balang araw ay magiging isa akong mahusay na magbabalot pagkatapos kong makatapos ng Music major in vocals. Pitong taon na po ako dito at kasalukuyang nasa first year sa Ina Computer Nursing School.
Ang problema ko po sa ngayon ay napakalaki. Matagal ko na po itong pinag-iisipan at naitanong ko na po sa pinakamahuhusay kong guro. Ang isa po sa kanila ay nakapagtapos ng napakataas na antas ng pag-aaral sa larangan ng manicure at pedicure. Ipinakita nya pa nga po sa akin ang kanyang diploma at transcript of records na galing sa Claro M. Recto. Ngunit kahit po siya ay hindi masagot-sagot ang aking mga katanungan.
Matagal na po akong nagdadalamhati dahil sa mga katanungan kong ito. Hindi na po ako makakain. Kahit na ang paboritong kong yema na isinawsaw sa bagoong ay nagagawa ko nang tanggihan. Maikli na lamang po ang tulog ko pag gabi – karaniwan sa umaga na lang po ako natutulog ng mahaba. Mga ilang buwan na po akong hindi naliligo dahil walang tubig sa amin.
Please, ate Menggay, tulungan nyo po ako. Sagutin nyo po ang mga katanungang nagbibigay sa akin ng hirap at pighati. Bakit po ang pula ng itlog ay tinatawag na pula eh kulay dilaw naman po iyon? Ano po ba ang tamang bigkas – bitones o butones? Ano po ang dahilan at hindi nalulunod ang isda?
Dahil sa mga katanungang ito, sinubukan ko na pong wakasan ang aking buhay, kaya nga lang po naputol ang sinulid na aking ginamit sa pagbibigti. Hindi rin po naging successful ang pagtalon ko mula sa tuktok ng aming paaralan – sabi ng mga kaibigan ko wala raw namamatay sa pagtalon mula sa building na isang floor lamang. Ayaw ko naman pong maglaslas ng pulso, kasi sabi ng nanay ko mamantsahan daw po ng dugo ang damit ko – sayang naman. Hindi ko na po ninais na magbaril sa aking ulo dahil papatayin daw po ako ng tatay ko pag nalaman nyang ginalaw ko ang baril nya.
Tila ba pati mga kaibigan ko ay iniwan na rin ako. Pag nagte-text ako sa kanila, hindi na sila nagre-reply. Ang tanging lumalabas sa aking cellphone ay “You have zero balance, please load now”. Pati ang buong mundo ay patuloy akong itinatakwil. Kapag nagha-hang ang computer ko, lahat ng mga tao ay nagsasabing i-reset ko daw ang computer. Ate Menggay, niloloko nila ako – walang “reset” sa keyboard ng computer, kahit ikaw pa ang tumingin.
Pakiusap lang po ate Menggay, pakitulungan nyo po ako. Magkaka-diabetes na po ako kaiisip. Alam kong ikaw lamang ang tanging makatutulong sa aking mga problema. Naalala nyo po ba, kayo ang sumagot sa katanungan ko tungkol sa kung ano nga ba ang nauna – itlog o manok? Alam ko pong muli nyo akong matutulungan lalo pa at patuloy ang inyong pagpapakadalubhasa dyan sa loob ng mental hospital.
Maraming salamat po, ate Menggay. Hanggang dito na lamang dahil magmimiryenda muna ako. Mukhang masarap ang buko salad na ibinigay sa akin ng kapitbahay ko last week. Katakamtakam kung tignan ang maliliit na bula sa ibabaw nito gayundin ang maasim-asim nyang amoy. Sariwang-sariwa ang sangkap – gumagalaw-galaw pa ang isang hibla ng buko. At huwag nyo din pong kalilimutan, iboto nyo po ako sa pagka-pangulo sa darating na eleksiyon.

Nagmamahal,

Badong

What do you think ?

Related